Saturday, July 19, 2008
Ang "dear neighbor" ko . . .
Sa tuwing mistulang mapagod ako ng kahahabol sa mga kung anu-anong bagay na dumadaan sa paligid namin, nariyan siya . . . pasilip-silip din.
Sa hinaba-haba ng araw, sa tuwing nagtatatahol ako sa lahat ng nakikita ko, nariyan siya. Aba, at nakikitahol din!
Siya ang kapitbahay namin. Matalas ang pandinig. Matapang. Maliksi. Matulin. At sa tuwing nakikita niya ako at ng mga anak ko, sus, saksakan ng ingay. Galit na galit. Nagtatahol! Pero, sa tuwing nakikita naman si Lui, aba tumitingin lang, habang kinakawayan siya ni Lui. Mistulang nangungusap ang mga tingin nila. Mistulang nagkakaintindihan. Subali't kami waring nagbabadya ng masamang hangin. . .
Sino ka ba talaga?
Sunday, July 13, 2008
Kagila-gilalas
sabihin ng salitang ito. Si Bogart kasi ang matiyagang
nagsasalin ng mga kuwento ko para sa mga kaibigan namin
sa ibang bansa.
Aba gusto pala nilang basahin ang mga kuwento ko. Nakup!
pinaliit ko pa naman ang titik para tamarin magbasa ang mga
matatanda diyan. Awooooo!
Huwag kang maingay ha? Biro lang iyan
O sya, ito ang tunay na kagila-gilalas:
O di ba?
Hindi mo na kailangan ng anumang salita.
Bakas na bakas sa itsura ko iyon.
Kagila-gilalas di ba?
Kailan nga ba nagiging kagila-gilalas ang mundo ko.
Puwes, makinig ka at ibabahagi ko sa iyo:
1. Sa tuwing nababasa ko ang blog ni Sweepy.
Sus, hindi lang kagila-gilalas. Nakakaloka at minsan
kahiya-hiya. Masyado kasing spoiled ang isang iyan.
Tuta pa lang iyan saksakan na ng arte. . .
Kagila-gilalas talaga . . .
2. Sa tuwing tumatahol si Bogart.
Nakup! Eto pa ang isa. Saksakan ng kulit.
Hindi mo mawari kung ano ang problema ng isang iyan.
Tuta pa lang iyan, saksakan naman ng tahimik. Sa una
akala namin ng asawa kong si Pica, mahina ang ulo niyang
si Bogart. Aba, sa katagalan lumilitaw ang talino niya.
Eto't siya ang nagsasalin ng kuwento ko. Hindi gaya ni
Sweepy, na asong Pinoy daw, eh di naman makasalita
ng Pinoy. Pa-ingles ingles lagi iyan. Si Bogart, kahit tahimik
ka sigurado naiintindihan niya ang nilalaman ng isip mo.
Kaya't kapag tumahol yang si Bogart, aba magulat ka.
Bihira yan at sigurado may malalim na kadahilanan.
3. Ang isa pang kagila-gilalas sa mundo ay ang matalik
kong kaibigan na si Lui. Tao iyan at hindi tulad namin. Pero
mabangis ang mundo niya. Magulo at mapanganib din.
Madalas niyang sabihin na ang mundo daw ng tao,
mistulang binabahayan ng mga halimaw. Aba, hindi
ako halimaw, Lui! Aso ako at kahit na mukhang halimaw
ako, saksakan naman ako ng bait . . .
At iyan ang mukha kong mabait. Mapusok at mabait.
Iyang si Lui kasi, nakuha na ang galing namin sa pandinig
at pang-amoy. Mabilis na rin niyang naririnig ang
padating na ulan, bagyo at lindol. Madalas niya kaming
tinututya sa tuwing nauunahan niya kami. "Uulan na!
Parang dumadating ang bagyo! Sumo, lumilindol!"
Nauuna siya ng mga limang segundo at kami naman
nauuna ng sampung segundo o mahigit isang minuto sa tao.
Marahil, kalahating tao at hayop iyang si Lui.
Pero kung ano ang galing niya sa pandinig at pang-amoy
siya rin namang hina niya sa pagkilos. Madalas nadadapa
iyan. Sa tuwing nakikipaghabulan sa amin, laging nababangga
at natatapilok. Saksakan ng lampa! Malimutin pa.
O sya, makatulog na nga muna. Nakakapagod talaga
ang kagila-gilalas kong mundo . . .
Friday, July 11, 2008
Nakikita mo ba iyan?
Nakup!
Sinasabi ko na nga ba!
Ayan!
Nakikita mo rin ba iyan?
At eto pa!
Naku, walang kadala dala
ang mga pusang iyan!
Pasilip-silip.
Padaan-daan.
Waring nang-aasar.
Waring nanghahanap
ng sakit ng katawan!
Ewan ko ba kung bakit naiinis ako
sa tuwing nakakakita ako ng pusa!
Aba lumaki pa naman ako
pinapaligiran ng pusa.
Nililinis at niyayakap nila ako noon.
Pero sa katagalan, sa paglaki ko
at sa pagdami ng pamilya ko
unti-unti silang nag-alisan.
Na-ingayan siguro.
Medyo maarte kasi ang mga iyan.
Ayaw ng magulo.
Ayaw ng maingay.
Parang tao rin minsan.
Ang ibang tao kapag nainis
umaalis rin kahit sa sarili niyang bahay.
Bumabalik rin naman.
Pero ang mga pusa
kapag naiinis
lalayas ng tuluyan.
Nakakainis tuloy.
Nami-miss ko rin kasi sila.
At ayaw ko naman ng ibang pusa.
Gusto ko yung dati naming pusa.
Kasi alam ko na ang amoy nila.
Alam ko na ang ugali nila.
Kahit masungit, minahal ko na sila.
Parang si Pica.
Ang namayapa kong asawa.
Makulit pero nami-miss kong talaga.
Kaya sa tuwing nakakakita ako ng pusa
kumukulo ang ulo ko.
Waring gusto kong kumagat
pang-alis ng inis.
Pang-alis ng lungkot.
Kaya ayan
kapag maabutan ko ang isang iyan
Yari iyan sa akin.
Tuesday, July 8, 2008
Maingay na naman
Maingay na muli ang paligid ko.
Nagugulat ako sa tuwing nagdadaanan ang sari-saring sasakyan, tao at hayop.
Aba, oo maraming hayop ang napapadaan sa kalye namin na mistulang nawawala o nagwawala. Nariyan ang mga pusang gala, mga asong pinabayaan ng tadhana, mga ibon, butiki, at sari-saring nagliliparang di mo mawari! Mga langaw, bangaw, kuto at kung anu-ano pa. Maingay ang mga iyan. Lalo na ang mga langgam. Saksakan ng inggay. Saksakan rin ng dami. Minsan, kung kailan ka pa natutulog saka magdadaanan ang mga iyan. Kung saan patutungo di ko alam. . .
Sa tuwing naiinis ako sa ingay, agad kong sisilipin ang paligid at minsan makikisama ako sa inggay. Wala lang. Feel ko lang makiisa sa mundo. Hehe.
Kapag tumahol ako, naku siguradong tatahol din ang mga tulad ko sa paligid. Waring nagising sa kanilang pagtulog at maririnig mo ang ingay hanggang sa dulo ng kalye namin. Lahat kasi ng aso sa kalye namin kilala ang tahol ng isa't isa. Mistulang nagbabala sa isa't isa na may nagyayaring hindi maganda . . .
Kapag sumobra na and ingay dali dali akong tatakas sa likod ng bahay. Siguradong lalabas ang isa sa mga tao sa bahay at ayokong masabihan kasi wala naman talagang nangyayari.
Ngayon, kung may maganda namang dahilan upang tumahol ako, aba eh di maghihintay ako sa labas at walang sawa akong tatahol, kasabay ng mga anak ko at ng mga aso sa paligid.
Sigurado kung ano man ang dahilan: dumadaan ang basurero para kunin ang basura, o ang tagadala ng mga sulat at kung anu-ano pa. . . tiyak pag labas ng mga tao at nakita ito, naku siguradong hahalikan ako sa tuwa. . . Siguradong pupunuin ako ng tuwa at galak sa pag-abiso sa kanila.
Masarap magsilbi at makatulong. Iyan naman ang papel namin sa mundo. At iyan din naman ang dahilan na sa tuwing maingay agad agad kong sinisilip ang paligid.
Sa ngayon, wala namang dahilan ang ingay. At wala rin namang kadahilanan kung bakit pabalik-balik ako ng pagtahol at pagsilip sa paligid ko. Nakakapagod. Pero ang saya.
Saturday, July 5, 2008
Kapag Pumatak Ang Ulan . . .
Pumapatak rin kaya ang luha niya?
Tumutulo kaya ito ng walang humpay
sa gilid at paligid ng kanyang maamong mukha?
Ang mainit na luha na waring naluto
sa init ng poot niya at dalamhati?
Sa pagpatak ng ulan
waring naririnig ko ang hagulgul
na pilit na pinipigilan
ng nanginginig niyang kamay
na basang basa ng luha . . .
Sa pagdaloy ng ulan
mula sa kalangitan
hanggang sa bubong ng bahay
tuloy-tuloy sa haba ng kalsada
na sa katagalan ay maiipon
at dadaloy na baha
sa aking kapaligiran . . .
Tahimik kong pinagmamasdan ito
nguni’t hindi ako nababahala dito
ang isip ko ay malayong nakatuon
sa walang humpay ng hagulgul
at tuloy tuloy na daloy ng luha
na patuloy kong naririnig
sa kabilang dako ng mundo . . .
Sa mga pagluha na sumasabay
sa patuloy na pagpatak ng ulan
pilit kong inaabot
ang luhaan niyang puso
at ang matagal niyang hinagpis
na waring wala akong kakayahan
na maibsan kahit sandali lamang . . .
Nguni’t sa huni ng patak ng ulan
ay siya ring nagsasabi sa akin
na siya ay kumukuha ng lakas
sa ulan at pagdaloy ng luha . . .
sapagkat sa paligid niya
may nagmamahal na tulad ko
na piniling malagay sa tabi niya
at samahan siya sa daloy ng panahon
na kasama ng kalungkutan
ay siyang lilipas rin
habang ang ulan . . .
at ang luha ay pumapatak . .
Thursday, July 3, 2008
"Ang Sungit ng Panahon!"
Aba, may itsura at pakirandam din pala ang Panahon. Masungit daw. Minsan sasabihin niya "maaliwalas" ang panahon. . . minsan naman "palabiro" . . . pero madalas masungit and tawag niya dito.
Masungit ang panahon kapag madilim at nagbabadya ng ulan. Masungit din and panahon kung may bagyo. Palabiro kapag sobrang mainit, pagkatapos uulan. Maaliwalas naman kung maaraw at matindi ang sikat ng araw.
Kapag sinilip ko ang panahon ngayon, hindi ko mawari kung masungit, palabiro o maaliwalas. Kasi umulan nuong gabi at umaraw naman pagdating ng umaga. Pagsapit ng tanghali, umambon. Pagdapit hapon uminit. At lumamig naman ngayong gabi. . . masarap tuloy ang tulog ko!
Minsan naiisip ko siguro sumasabay lang ang panahon sa takbo ng buhay ng tao. Tulad ng panahon, ang tao ay minsan masungit, palabiro at maaliwalas. Sa hirap ng buhay nila ngayon, minsan sabay-sabay silang tatlo!
Sabi nuong mga anak ko ako raw ay masungit. Aba, hindi tutuo yan! Maaalahanin lang ako. Ayaw kong magulo sila at maingay. Madali kasing mainis ang isang tao sa bahay namin. Ayaw niya ng maingay. Nalulungkot pa naman si Lui kapag napapagalitan kami. Nalilito naman ang mga anak ko tuwing nangyayari ito. Ang asong katulad namin ay nakakaintindi ng mahinahon na pag-uusap. Aba, kahit hindi namin kaya magsalita ng salitag tao, kaya naman namin maintindihan ang mga sinasabi nila. Kaya naman kaya maintindihan ng tao ang salita namin?
Katulad ng panahon, palabiro din kami.
Katulad ng tao, maaliwalas din ang buhay namin.
At tulad ng panahon, naguguluhan din kami.
Wednesday, July 2, 2008
Maingay Rin Ang Katahimikan
Hindi ka ba nagtataka kung gaano minsan nakakabingi ang katahimikan?
Mahimbing akong natutulog kahapon nang bigla akong nagising. Dali dali kong sinilip ang aking dalawang anak na tahimik namang tulog. Masyadong malikot at maingay ang mga iyan lalo na kapag gising. Pero tulog sila at mukhang wala ang mga tao sa bahay.
Inikot ko ang paligid at napakatahimk. Nakakabingi ang katahimikan. Siguro iyan ang sinasabi ng napayapa kong asawa na si Pica nuong buhay pa siya, na minsan nagigising siya kapag sobrang tahimik. Siguro nangyayari lang iyan kapag tumatanda ka na. Marahil tumatanda na ako. Hindi ko napapansin ang mga ito noon. Kasi noon kahit maingay kapag natutulog ako tuloy tuloy. Katulad ng mga anak kong nakababata ng isa at dalawang taon sa akin.
Hindi pa naman ako uugod-ugod. Aba, maliksi pa rin naman ako. Kaya ko pa ring habulin ang mga bagay-bagay na dumadayo sa bahay namin. Minsan nga pilit kong talunin ang batang pilit na inakyat ang puno ng chico namin. Naku, ayaw na ayaw ko ang makakita ng taong umaakyat sa puno at bakod namin, lalo na kapag hindi ko sila kakilala. Sigurado kapag naabutan ko ang mga ayan, tatamaan ng kagat ko iyan!
Siguro tama rin ang sinabi ng kaibigan kong si Lui, na siyang nag-aalaga sa akin at ng pamilya ko, na kaya nakakabingi ang katahimikan kasi bihira na daw ito nangyayari. Masyado na raw maingay ang mundo kaya kapag biglang tumahimik, aba bigla ka ring nagugulat. Hindi ka na sanay na walang ingay.
Kaya pala si Lui madalas mag-yoga upang ibalik ang tahimik sa mundo niya. Uupo lang iyan sa tabi at tahimik na. Kahit na mag tatahol kami ng mga anak ko, nakaupo at mistulang tulog siya. Nagagawa niya ito madalas.
Sabi rin ni Pica sa akin nuong buhay pa siya na sa katahimikan ko rin siya makakapiling. Hindi sa kamatayan iyan. Siguro katulad sa yoga ni Lui. Minsan kapag umuuwi ako sa bahay ko at kuntento akong humihiga sa unan ko naaalala ko si Pica at ang dating amo kong si Cesario. Niregalo ako ni Cesario sa pamilya ni Lui nuong bata pa ako. Wala na pareho si Pica at Cesario, pero madalas ko silang naaalala, lalo na pag tahimik.
Sa tuwing pinagmamasdan ko ang araw sa mga oras na tahimik ang kapaligiran, parang nakikita ko ang kakaibang bagay. Parang napakasaya at napakabanayad ng mundo.
Tahimik ang mundo ngayon. At masaya ako . . .
Tuesday, July 1, 2008
Aba Hulyo Na Pala!
Napakabilis ng panahon. Parang kailan lang nagbago ang takbo ng araw. Uulan, aaraw. . . Iinit, lalamig. . . Minsan nandiyan ang mahal mo, aba, pagdilat mo rin ng minsan, wala na. . . .
Oo, napakabilis nga. Ang pakiramdam ko ang tanda ko na, samantalang kung iisipin walong taong gulang lang ako, pero parang sampung taon na ako. Sa mga tulad namin, pag sapit ng sampung taon, medyo bumabagal na ang takbo ng buhay. Humihina na ang pagkilos. Lumalabo na ang paningin. Marahil, katulad ng mahal kong si Pica, papanaw rin ako.
Minsan rin akong nagmahal. Minsan rin namulat at paggising ko, wala na ang mahal ko! Walong taong nakalipas. Bata pa ako noon. Hulyo rin noon. Minahal ako ni Pica. Inalagaan na parang anak na rin niya. Kinupkop, ginabayan at pagdating ng Hulyo nagbago na ang lahat. Lumaki na ako. Hindi na ako tuta. Nag-iba na ang tingin ko sa kanya. Aba, naabutan ko agad siya at sa paggising ko, minahal ko na siya. . .
Ang hirap isipin na sa buong walong taon na nagsama kami, mawawala at maghihiwalay rin kami. Siguro ganoon din ako. Mauuna ako sa mga taong nasa paligid ko. Maghihiwalay rin kami. Malulungkot din kaya sila katulad ng pagkalungkot ko ngayong naaalala ko ang dating minahal ko?
Maraming lihim ang Hulyo. Malalim. Madilim. Katulad ko.