Tuesday, August 26, 2008

Sobra-Sobra!

Madalas ko marinig yan sa mga tao sa paligid.
Naku, lalo na sa mga bagets.
Siguro dahil naririnig nila ang mga celebrities sa TV
na "sobra-sobra" din kung magsalita . . .

Eto ang ilan:
"sobrang tuwa ako sa project ko!"
"sobra-sobrang happy ako sa movie ko!"
"sobra-sobra ang joy ko!"

Aba, sobra nga sa superlatives.
Sobra.
Minsan na-iirita ako sa tuwing naririnig ko yan.
Ni hindi ko naisip na darating ang araw
ako rin pala mag-so-sobra-sobra . . .


At eto naman ang "sobra" story ko.
Nakatanggap na naman ako ng award sa Pawlimpics!
Bronze Award para sa "Begging Face" ko.
O, tingnan naman ninyo:


Aba, mukhang beg-na-beg, di ba?
Sa totoo lang, katatapos ko pa lang ng paligo
at sobra-sobra ang gaan ng katawan ko
at sobra-sobra sa bango ang balahibo ko
na maloka-loka, ay! sobrang loka pala si Lui
sa kasisinghot sa akin.
Kaya sobrang saya ko.
Sobra-sobra di ba?


At hindi lang yan.
Pag-uwi ni Luchie sa trabaho noong Biyernes
may dala-dala siyang regalo.
Kaya pala sobrang kulit ng mga anak ko
sa kahihintay kay Luchie magdamag
at sa sobrang pagod, nakatulog na tuloy
at ayun, ako ang unang nakatikim ng regalo!
Ssssh, huwag ka maingay sa dalawa . . .

At eto ang regalo sa amin,
mga laruan, shampoo at tsibog!


Naku, sobrang saya kaming tatlo!
Napalaro tuloy ako ng regalong bola!


Naku, salamat, Lilli!
Si Lilli ay bagong girlfriend ni Sweepy.
Maraming girlfriend si Sweepy.
Puro tao nga lang.
Magaganda at mababait pa!
Sobra din!

Ang paborito ko sa regalo ni Lilli:

Ang Black Shampoo na ginamit ko agad!
Amoy carpet tuloy ako.
Bagong linis na carpet ha!
Sobra.

At higit sa lahat
sobrang naloka ako sa Begging Strips

sobrang sarap na bacon-cheese strips
bagay na bagay tsibugin pagkatapos ng paligo
at sobrang bagay sa Begging King na tulad ko.
Sobra talaga.


Sobra.


Wednesday, August 20, 2008

Nanalo Ulit Ako!


Gold Medal: At Work


Aba, kapag sinuwerte ka nga naman!
Naku, sigurado maiinggit na naman
ang dalawa kong anak.
Matagal na kasi nilang gustong manalo
eh talagang hindi lang pinapalad.
Naku, salamat Pawlimpics!

At siguro, naitatanong ninyo
kung ano nga ba talaga ang trabaho ko.



Iyan.
Iyan ang nagpanalo sa akin.
Iyan ang madalas kong gawin
kasama ang pamilya ko.
Nagbabantay kami sa paligid.
Tumutulong din kami sa barangay namin
ituro at ipaalam sa mga naninirahan
at lalo na sa mga bata sa paaralan
ang kahalagahan ng mga batas
katulad ng Republic Act 8485,
ang Anti-Littering at ang ban
sa paggamit ng pellet guns.

Si Sweepy ang talagang masipag.
Siya kasi ang mahilig humarap sa mga tao.
Medyo tahimik at pinili naming dumiskarte
sa isang tabi lang ni Bogart.
Ayaw namin ng maraming arte.

Pero si Sweepy
sus, saksakan ng OA.
Gusto niya ang magulo.
Tuwang tuwa siya kapag
pinagkakaguluhan siya ng tao.
Hindi iyan kulang sa pansin.
Sadya lang talaga na masayahin siya
at kami namin ni Bogart masaya kaming
tahimik lang sa isang tabi.

O, patuloy pa rin ang Pawlimpics ha.
Punta naman kayo sa site
at maaaring bumoto ang mga aso ninyo
para sa Doggy's Choice Award.

Salamat ulit sa Pawlimpics.
Ibinabahagi ko ang award na ito
sa dalawa kong anak na si Sweepy at Bogart
at lalo na sa namayapa kong asawa na si Pica.
Nakup, parang speech pala ito ano.
O sya, makatigil na nga
at baka maiyak pa ako.

Salamat din kay Hammer
at sa kanyang pamilya.
Lagi kayo nasa isip namin. . .

Friday, August 15, 2008

Eto si Saver . . .



Siya ay isang asong mestiso
nakatira sa dulo ng Rainbow Ave.
Ilang araw na padaan-daan siya
kasama ng kaibigan niyang tao
inaabangan ang libreng bakuna
na ipinahayag sa buong bahayan
dito sa aming lugar.

Kami ng pamilya ko
lalo na ang anak kong si Sweepy
ay siyang kumakatawan
bilang SuperDog o Bantay ng Bayan
na tumutulong na ipaalam
ang tamang pag-alaga sa mga hayop
at ng kapaligiran na rin.

At ang libreng bakuna ay isa lamang
sa mga proyekto ng barangay
dito sa lugar namin.
Aba, naka-tatlong libong aso na daw
ang nabakunahan ng barangay!

Kaya't sa tinagal-tagal
natuloy na rin ang pagbakuna
nitong linggo lang nakaraan.

At ayan nandoon si Saver.

Mabait siyang sinamahan
ng kaibigan niyang tao.

Nabakunahan siya ng walang ka-arte arte.


At pagkatapos ng bakuna
tahimik rin siyang umuwi
kasabay ng ibang aso.

Samantala hirap na hirap naman
kaming mga houndsinheaven.
Iyan ang tawag sa amin kasi
Heaven ang pangalan ng bahay namin
at hounds ang turing sa amin
datapwat mestiso naman kami.

Hindi kasi kami sanay makihalubilo
sa ibang aso at mga tao sa paligid.
Kaya't sa tuwing inilalabas kami
sus, saksakan ng inggay at gulo.
Kaya nga madalas na lang
ipinatatawag ang beterinaryo
sa Heaven upang sa bahay na lang
ang pagbakuna at kung ano pa man.
Kasi talagang abala lang kami.
Sana sa katagalan
maging kagaya rin kami ni Saver.

Cool lang at hindi maligalig.

Wednesday, August 13, 2008

Nanalo Ako Sa Pawlimpics!!!


Sumo: Gold Medal, Pee-Mail
Pawlimpics 2008


Nakup, sinasabi ko na nga ba!
Mananalo rin ang Pinoy!
Pero por diyes por cinco
sa pag-ihi pa!

O, ayan, tingnan mo iyan!


Iyan ang nagpanalo sa akin.
Sa dinami-dami ng galing ko
doon pa ako nanalo.
Sus, santabarbara!
Kahiya-hiya man, pero diyan talaga kami
ng buo kong pamilya magaling.
Ang anak kong si Sweepy at Bogart
iyan ang magaling dumiskarte
sa paglagay ng amoy nila sa paligid.
Aba, ano ba ang akala ninyo sa pag-ihi namin?
Hoy, hindi lahat ng oras naiihi kami.
Kadalasan ang pag-ihi namin
ang siyang nagmamarka ng aming teritoryo.
Kaya't kapag nagising ako
at inikot ko ang aming paligid
at hindi ko maamoy ang 'marka' ko
at marahil natakpan ng dalawang anak ko
sus, mistulang nawawala ako sa sarili kong bahay!
Kaya't mahalaga at matalinghaga
ang pag-ihi namin.


At nakup, lekat!
mabibisto tuloy ako ni Luchie
na umiihi sa halaman niya!
Diyaske, nadali na naman ako!


Salamat sa Pawlimpics
at kay Pareng Lenny Latshaw
na siyang host nitong taong ito ng Pawlimpics.
Mabuhay kayo!
Mabuhay ang Pinoy!

Monday, August 11, 2008

Sa Mga Sumulat Sa Akin:



Marami sumulat at nag-email sa akin
na pinupuna ang paggamit ko ng salitang
kagila-gilaslas.

Aba, mali daw ito.
"Kagila-gilalas" daw dapat.
Tinanong ko ang kaibigan kong si Lui
na siya namang tinanong
ang kaibigan niyang si Tony
at si Tony ang siyang nagsabi
na ang tamang salita ay
kagila-gilalas!

Kaya ayan isa isa kong pinapalitan
ang lahat ng salitang kagila-gilalas dito!

Salamat sa inyong pagpuna.
Naku, hindi ko naman inakala
na may nagbabasa rin pala ng kuwento ko
bagama't ako ay isang aso
maitim at masungit sa tingin
pero mapagmahal naman.

O sya, salamat sa mga sumulat
kay Nonoy, Ige, Marge at Tukmol
at lalo na po kay Ginoong Tony Perez
na siyang nagsabi kay Lui
kung ano na nga ang dapat kong gamitin.

Kagila-gilalas nga ang mundo.
At ako ay laging namamangha.

Wednesday, August 6, 2008

Aba! Nasa Pawlimpics din ako!


Ayan! Ako iyan!
Kasama ko ang dalawang anak ko
na si Sweepy at Bogart
at kami ang nag-represent sa Pinas!
Proudly Pinoy Dog, di ba?

Naku, silipin ninyo sa YouTube
para matuwa rin kayo!
Ayan nasa kaliwa ang link.
Punta kayo ha?
Kasali kami diyan.
At sana naman manalo rin kami.
Aba siyempre, para proud tayong lahat!


Teka, masabi rin nga sa "dear neighbor" ko
baka naman gusto rin niyang sumali
aba, at bakit naman hindi, di ba?



Naku, maingay na naman siya!
Waring may ibig sabihin.
Ha?




Ah, padating na daw si Luchi.
Isa si Luchi sa kasama ko sa bahay.


At tama nga eto na nga si Luchi!




Naku, ang galing mo talaga!
Teka, masabi na nga kay Luchi
ang maganda kong balita!