Wednesday, December 24, 2008

Bukas na ang Pasko!!!!

At ayan natapos na rin ni Luchie ang Parol!



Nagagawa lang kasi niya iyan kapag may oras siya sa gabi bago siya magsimbang gabi. Kapag hindi pa siya inaantok hala todo gupit at dikit ng papel de hapon!!! Aba, matyaga kong binabantayan si Luchie habang ginagawa niya ang parol. Eh kung maidlip kaya at makatulog! Sigurado hihilik na naman iyan na mistulang may giyera sa bahay naming Heaven!


Kaya ayan todo rin ang ngiti. Naku wag ka, isa pa lang ang natatapos niya. Dalawa iyang parol na iyan at hanggang ngayon, na halos magpapasko na bukas, harinawa, matapos na rin ang isa pang parol! Naku, marami pa naman siyang gagawin kasi may party kami sa bahay sa Pasko!


Naku, halos araw-araw na ang Pasko kaya. Aba, eh Nobyembre pa lang Pasko na! Nakup, sigurado galit na naman si Panjee niyan! Ayaw ni Panjee pinauunahan ang pasko. Hindi ko na siya madalaw kasi ayaw ko nang basahin ang mga "angst" niya tungkol dito. Sorry, Panjee.


Masaya at magulo ang Pasko. Maraming regalo na hindi naman namin makain ng pamilya kong sina Bogart at Sweepy. Puro alak, brownies, pastillas at libro na hindi naman namin matikman kaya! Kaya't napilitan si Lui na bilhan kami ng sarili naming cookies. At binilhan naman kami ni Luchie ng vitamins. Eh di ba para lamang sa mga payatot at sakitin lang iyon? Sukat ba namang tadtarin pa kami ng vitamins eh nagkakanda pilay na kami ng lakad sa taba namin! Ang paborito nga ni Lui na kanta sa tuwing minamasdan ang tiyan namin ay "ain't no mountain high enough . . .' habang hinihimas ang bundat naming tiyan at sinasabing "naku, puwera usog!" . . . Hay, tiyak, magagalit na naman ang kaibigan naming si Joseph kapag nakita kaming ganito!


Mayaman rin ang Pasko. Mayaman sa kaibigan na nagdadala ng walang kamatayang tuwa tulad ngayon . . .

. . . na halos araw-araw may dalang regalo at sulat para sa amin!


At eto ang mga na-receive naming cards!


Naloka ako ng kaka-amoy kasi kung saan saang bansa nanggaling ang mga ito! Iba't ibang amoy at itsura. May galing sa Switzerland, sa Netherlands, sa Taiwan, sa Singapore, Malaysia, Canada, Mexico, Spain, sa UK at marami sa USA! Tuwang tuwa talaga kami tuwing Pasko dahil dito. . .



. . . at ilan lamang iyan sa mga natanggap namin ngayong Pasko. Nuong isang taon isang gabundok rin na cards ang natanggap namin! At lahat sila pinadalhan din namin ng cards! Kaya't medyo hilo si Lui ng kaka-asikaso nito. Hanggang ngayon patuloy pa rin niyang ini-email ang pasasalamat sa bawat natatanggap naming card!


Pero ang higit na masaya at nakakataba ng puso ay ang tuwa at ligaya ng mga nabibigyan namin ng kahit simpleng regalo ngayong pasko. Harinawa, ang saya na nadarama namin ay siya ring saya na naibibigay namin sa iba.


O Pasko na. At birthday na ni Kristo. Harinawa, maligaya at makasaysayan ang Pasko ninyo!


Tuesday, December 16, 2008

Simbang Gabi Na!

Nagsimula na ang simbang gabi kagabi.
Aba, eh hindi pa ni Luchie tapos ang parol namin!

Aba dapat pag simula ng simbang gabi, naka-ilaw na ang parol. Naku, kailan kaya matatapos ang parol namin? Sa dami ng ginagawa nila Luchie malamang aabutin ng Pasko bago matapos ang parol na iyan! Naku eh minana pa naman nila sa Papa nila iyan. Kung buhay ang Papa nila ngayon malamang na-sermonan ang mga bruhang iyan!

Kahit inaantok si Luchie, sumama siyang magsimbang gabi kasama si Loyd. Si Lui medyo pagod at di niya feel magsimba. Madalas kasi tuwing madaling araw ang simbang gabi. Pero ngayon mayroong misa sa gabi (alas 9 ng gabi) at mayroon din sa madaling araw (alas 3 ng umaga). Pero ang kinagandahan nitong simbang gabi, sa bawat misa may iaalay silang regalo para sa mga taong tinutulungan ng simbahan tulad ng mga bilanggo, mga mahihirap, atbp. Kaya sa buong siyam na araw nakakaipon sila ng iba't-ibang regalo para sa mga nangangailangan: pagkaing de lata, tuwalya, sabon, damit, sipilyo, atbp.


Kami rin ng mga anak ko tumutulong rin kami. Tingnan mo ang dalawang anak ko na yan. Naku super kulit ang mga iyan ngayon! Excited kasi sila kapag may tutulungan. Nagbigay kami ng mga t-shirt sa mga bata para sa isang outreach program, mga laruan at gamit para kay Joylin na may cerebral palsy, at binabahagi namin ang mga gamit namin sa mga ibang aso sa aming paligid tulad ni Doggy. Lahat ng sobrang pagkain ibinibigay namin para sa kanila.


Masaya ang magbigay. Hindi ka lang nakakatulong, nakakapagbigay saya ka pa. Magaan pa ang pakiramdam mo.


Kaya't mahimbing rin ang tulog mo. Malamig pa naman at masarap matulog magdamag. Pag gising ko nuong isang linggo, sinilip ko ang kalangitan, at ito ang nakita ko:


Iyan ang bilog na buwan na pilit pa ring sumisilip kahit mag-uumaga na. Marahil tulad ko masaya rin ang buwan. Ilang linggo na lang, magbabago na ang buwan. Malapit na ang birthday ko niyan! Sa Enero, magiging 9 na taon na ako. Matanda na nga ako. Pareho na kami ni Luchie na Senior citizen na. Siguro dapat may Senior Citizen card din ang aso?

Hmp. Sabi nga nila, lilipas rin iyan . . .

Friday, December 12, 2008

Paskong-Pasko Na!!!!


Naku, pasensya na kayo kung hindi ako masyadong nagsususulat. Medyo busy daw ako. At medyo tinatamad na ako magsalin ng pinoy-speak ko kaya hayaan na ninyo ang google mag-translate nito. Naku, basahin ninyo ang translation ng google at nakakaloka! Super-over-mega-kalokang salin.



Anyway, eto ang video ko last Tuesday. Pinadalhan kami ni Addie ng treats at nagka-ngawa-ngawa ang gilagid ko sa kakakain nitong mala-kendi na eto. Hindi iyan matamis. Gawa daw iyan sa mga samu't-saring balat ng kung sinong impakto at ginawang kendi kuno. Aba maganda raw iyan sa ngala-ngala namin. Kasi nuong araw, noong nabubuhay pa ang tulad namin sa kagubatan, kung anu-anong bagay ang nginunguya namin. Eh ngayon medyo sosyal na kami kaya pati ngipin namin may 'treat' na!

Medyo magulo sa bahay namin sa Heaven ngayon. Naloloka si Lui ng kaka-email ng Card namin kasi halos lahat gusto ng kopya. Nakup, eh dalawa pa naman iyan. Iyung gawa ni Lui at iyung gawa ni Sweepy. Eh alam mo naman si Sweepy, medyo kulang sa pansin, kaya ayun gusto na namang pumorma at gumawa ng sariling card kaya iyung iba gawa ni Lui at iyung iba, aba, handmade cards ni Sweepy! Aaminin ko na maganda talaga ang gawa ni Sweepy. Aba siyempre, saan pa ba mga-mamana iyan kundi sa ama niya!

At meron pa si Sweepy na ginawang kuwento sa aming e-card. Para makatipid na-email namin ang mga kaibigan namin nitong card na gawa ulit ni Sweepy! Talagang humarurot ng kaka-design ang anak kong yan! Di bale maganda naman. At swak talaga sa Pasko. Aba, kung gusto ninyo ng kopya, aba sabihin mo lang at ilagay mo ang email address mo para maipadalhan kita ng kopya. Ipadala mo sa email address ni Sweepy.

Masaya talaga makatanggap ng regalo. Mahigit 50 na ang natatanggap namin! At isa-isa itong sinasagot at pinapadalhan ni Lui ng Card namin! Matrabaho talaga ito!

O sya, sa susunod ulit. Tandaan ninyo na ang Pasko ay hindi lamang sa mga regalo na ito. Ang tunay na Pasko ay ang paggunita ng isang kasaysayan ng simpleng pamumuhay at pagsilang ng isang Diyos.

Maligaya at makabulahang Pasko!

Monday, December 1, 2008

Pasko Na Naman . . .

Ang tanong ni Trudis:
Bakit ako raw ang nag-sasalin ng kuwento ko?
Trudis wants to know: Why am I translating my own story?


Marahil nagtataka rin ang kaibigan kong si Trudis kung bakit ang tagal ko na mag-post ulit. Naku, saksakan ng busy at gulo sa bahay naming Heaven ngayon! Ganyan naman lagi kapag malapit na ang Pasko. Lahat abala sa kung anu-ano . . .
Maybe my friend Trudis also wanted to know why it is taking me long to post again. Our house Heaven is pretty messy and everybody's busy nowadays. But that is how things are every time Christmas is near. Everybody is busy with something . . .



O, eto ang gwapo kong mukha.
Ayan ang pinag-aabalahan ko ng mga nakalipas na linggo. Puro "kodakan" at picture-ran. Para sa Gretting Cards namin ang mga litratong iyan na ipapadala sa mga kaibigan namin. Sus, nakakahilo at nakaka-atsing, kasi naman galing pa sa lumang baul ang mga costume naming iyan. Eh, alam naman ninyo ako, saksakan ng kulit. Sukat ba namang sugurin ko at singhutin ang baul namin! Ahahay!!!! Over-mega-atsing nawalangkasingtagal. Di' bale, okay naman ang kuha ko. Walang sinabi ang mga pa-kyut kong anak . . .

Here's my handsome face.

This is what kept me busy the past weeks. A week full of picture-taking. This picture is for our greeting cards to be sent to all our friends. Geez, it was nauseating and made me sneeze because our costumes came from our old trunk. And you know how pesky I can be when I rushed to snoop and sniff the old trunk. Ohlala!!! It is over-mega-never-ending-sneezing! But that's okay since I got a good shot. It beats my trying-to-be-cute pups. . .



At eto ang isa pang makulit!
And here's the other pesky one!

. . .aba, sukat ba naman humiyaw ng sangkaterba dahil 'di raw niya type ang card namin! Susmaryosef! Alam naman niyang super busy ang lahat aba sasali pa sa gulo. Naku, ayaw patalo niyang Sweepy na yan. Gusto niyang ulitin ang cards namin! Eh na-mail na ang iba! Nakup, ayaw tumigil sa pagtahol, kaya napilitan si Lui na ulitin ang ibang cards namin na siyang nagpatagal pa! . . . imagine howling non-stop because he did not like our cards! ForBarkingOutLoud! He knows how busy everybody is but he wants to join the mess. And that Sweepy won't bog down. He wants to redo our cards! But some were mailed already! But he won't stop howling so Lui was forced to redo some cards which further delayed our schedule!




. . . at dahan dahan nagdaratingan ang mga sulat at regalo! Aba, Nobyembre pa lang may mga regalo na! Naku, naloka na naman ang mga anak ko! Pero ako, hindi importante sa akin ang mga iyan. . . Iba ang hinahanap ko . . .
. . . and the letters and gifts started arriving! It was still November but there are gifts already! My pups went crazy in excitement! But the gifts are not important for me. . . I am waiting for something else . . .



At dahil over-mega-excited ang dalawang iyan, madalas tuloy nasisira ang tiyan nila! Hala, tahol dito, tahol doon, hanggang nag-alburoto ang mga tiyan nila! Naloka si Lui ng kakalinis at kakaisip kung ano ang gagawin sa dalawang iyan. Kaya ayan ang kasagutan sa tanong mo Trudis. Kasalukuyang masama ang tiyan ni Bogart at sumisegundo naman si Sweepy. Pasasaan naman at lilipas din iyan . . .
And because those two are over-mega-excited, they always get bum stomachs! They bark non-stop here and there until they have upset stomachs! Lui went crazy cleaning their mess and worrying what to do with them. And that is my reply to your question Trudis. My translator has bum stomach and Sweepy is following behind. Anyway, this will all pass . . .



. . . sa gitna ng gulo, palipat lipat si Lui ng gawain. Siya ang taga-ayos ng bahay. Siya rin ang tinatawagan para bumili ng mga gamit sa bahay kaya madalas siyang wala! Busy rin siya sa mga art workshops niya. Naku, pati ang taga-post office humihiling na bigyan din sila ng libreng workshop. Eh alam mo naman si Lui hindi maka-hindi. Nandoon siya ngayon nag-wo-workshop.

. . . in the midst of the noise, Lui is busy going around. She is the one who decorates the house. She is also called upon to do errands to buy stuff which is why she is always out! She is also busy conducting art workshops. Even the people from the post office are requesting her to conduct free workshops for them. And Lui can not refuse. She is presently there doing workshops for them.



Busy rin siyang kinakausap ang mga lider para gawan ng paraan ang pagsunod sa batas tungkol sa mga hayop tulad namin. Gusto niya higpitan ang pagkupkop ng mga hayop tulad namin. Naaawa kasi siya sa tuwing makikita ang mga hayop na hindi na-aalagaan ng mabuti sa ibang bahay.

She is also busy talking to leaders to do something about the animal welfare laws. She wanted the community leaders to strictly regulate the ownership of animals. She gets affected when she sees animals that are not treated well in some houses.



At dahil kapaskuhan na, super busy si Lui sa pagtulong sa mga nangangailangan. Iyan naman talaga ang tunay na diwa ng Pasko. Ang muling pagtanaw sa mga pamilyang gumagala sa daan na naghahanap ng tirahan, at walang makain, o kasalukuyang may karamdaman. Ang pagsilang sa Panginoon na hindi pinanganak na marangya. Ang Hari na pilit mabuhay ng simpleng pamumuhay katulad ng ordinaryong tao. . . .

And because it is Christmas, Lui is super busy helping those in need. That is the real essence of Christmas anyway. To look back at families wandering the streets looking for shelter, or in need of food, or those sick and in pain. The birth of our Lord not in wealthy surroundings. The King who chose to live simply among ordinary people. . . .



. . . iyan ang hinahanap ko. Ang mga taong patuloy na haharapin ang Pasko at hahanapin ang mukha ng Diyos, hindi sa palamuti, o kasayahan at regalo, kung hindi sa mga mata ng mga taong hinaharap ang hamon ng kahirapan. Marami akong nakikitang mahihirap sa paligid. Marami rin namang tumutulong. At iyan ang tunay na Pasko sa akin!

. . . and that is what I am looking for. People who chose to face Christmas by looking for the face of God, not in the decorations, the festivities or gifts, but in the eyes of people who chose to face the challenges of poverty. I see a lot of people in need around me. And I see a lot of people helping too. And that is the real Christmas for me!