Nagagawa lang kasi niya iyan kapag may oras siya sa gabi bago siya magsimbang gabi. Kapag hindi pa siya inaantok hala todo gupit at dikit ng papel de hapon!!! Aba, matyaga kong binabantayan si Luchie habang ginagawa niya ang parol. Eh kung maidlip kaya at makatulog! Sigurado hihilik na naman iyan na mistulang may giyera sa bahay naming Heaven!
Kaya ayan todo rin ang ngiti. Naku wag ka, isa pa lang ang natatapos niya. Dalawa iyang parol na iyan at hanggang ngayon, na halos magpapasko na bukas, harinawa, matapos na rin ang isa pang parol! Naku, marami pa naman siyang gagawin kasi may party kami sa bahay sa Pasko!
Naku, halos araw-araw na ang Pasko kaya. Aba, eh Nobyembre pa lang Pasko na! Nakup, sigurado galit na naman si Panjee niyan! Ayaw ni Panjee pinauunahan ang pasko. Hindi ko na siya madalaw kasi ayaw ko nang basahin ang mga "angst" niya tungkol dito. Sorry, Panjee.
Masaya at magulo ang Pasko. Maraming regalo na hindi naman namin makain ng pamilya kong sina Bogart at Sweepy. Puro alak, brownies, pastillas at libro na hindi naman namin matikman kaya! Kaya't napilitan si Lui na bilhan kami ng sarili naming cookies. At binilhan naman kami ni Luchie ng vitamins. Eh di ba para lamang sa mga payatot at sakitin lang iyon? Sukat ba namang tadtarin pa kami ng vitamins eh nagkakanda pilay na kami ng lakad sa taba namin! Ang paborito nga ni Lui na kanta sa tuwing minamasdan ang tiyan namin ay "ain't no mountain high enough . . .' habang hinihimas ang bundat naming tiyan at sinasabing "naku, puwera usog!" . . . Hay, tiyak, magagalit na naman ang kaibigan naming si Joseph kapag nakita kaming ganito!
Mayaman rin ang Pasko. Mayaman sa kaibigan na nagdadala ng walang kamatayang tuwa tulad ngayon . . .
. . . na halos araw-araw may dalang regalo at sulat para sa amin!
At eto ang mga na-receive naming cards!
Naloka ako ng kaka-amoy kasi kung saan saang bansa nanggaling ang mga ito! Iba't ibang amoy at itsura. May galing sa Switzerland, sa Netherlands, sa Taiwan, sa Singapore, Malaysia, Canada, Mexico, Spain, sa UK at marami sa USA! Tuwang tuwa talaga kami tuwing Pasko dahil dito. . .
. . . at ilan lamang iyan sa mga natanggap namin ngayong Pasko. Nuong isang taon isang gabundok rin na cards ang natanggap namin! At lahat sila pinadalhan din namin ng cards! Kaya't medyo hilo si Lui ng kaka-asikaso nito. Hanggang ngayon patuloy pa rin niyang ini-email ang pasasalamat sa bawat natatanggap naming card!
Pero ang higit na masaya at nakakataba ng puso ay ang tuwa at ligaya ng mga nabibigyan namin ng kahit simpleng regalo ngayong pasko. Harinawa, ang saya na nadarama namin ay siya ring saya na naibibigay namin sa iba.
O Pasko na. At birthday na ni Kristo. Harinawa, maligaya at makasaysayan ang Pasko ninyo!