Tuesday, October 14, 2008

Anak Ka Ng Linta!



Nakup!
Parang na-feel ko na nandyan na naman si Mr. Leach. Ang linta na madalas bumisita sa amin. Aba sa sobrang bagal niyan kumilos inaabot siya ng siyam-siyam.



Ewan ko ba naman kung bakit madalas pumunta sa bahay namin iyan eh alam naman niyang na-aaburido si Lui sa tuwing nakikita siya! Kulang na lang at lumuhod sa harap niya si Lui para pakiusapan na huwag na masyadong pupunta sa bahay namin.

Bakit kamo?

Una, delikado iyan madikit sa aming balat at baka sipsipin pa ang dugo namin. Mahabagin langit! Sus, eh ang hilig pa naman niyang bumeso-beso. AbaGinoongSantoSantita!

Pangalawa, delikadong maapakan namin ang tulad niya na maliit at pakalat-kalat sa kung saan saan. Hindi lang minsan naapakan ang mga tulad niya. Maiyak-iyak si Lui sa tuwing winawalis niya ang mga napisat ng nagdaragasang mga paa namin. Eh kung ang kuko sa paa ni Lui namamatay kung maapakan namin, eh iyang mga linta pa kaya?

Pagatlo, sa sobrang, over bagal niya kumilos, malimit makalimutan niya ang tunay niyang pakay pagdating sa bahay namin. O, tulad ngayon.



Tingnan mo patago-tago pa eh nakita ko na naman siya. Saka sinabi naman ni Lui na dadalaw daw siya sa bahay. Aba, noong Agosto pa iyon! Anong buwan na ba ngayon?!? Kita mo na! Sigurado nakalimutan na ni Mr. Leach na kaya siya dadalaw sa amin eh para i-congratulate kami sa pagka-panalo sa Pawlimpics! O, mahabagin buwan! Patnubayan mo ang lintang makalimutin!

At ayun, nagtago na sa butas taguan ni Troy, ang butihin naming butiki. Nakup kapag nagkita sila ng mga langgam doon tiyak ubos ang dugo ng Mr. Leach na iyan!

Hay naku, Mr. Leach. Pabilog na ang buwan. Masungit ang mga tao. Pero ako, naiintindihan kita kahit na hindi mo ako maintindihan. Salamat sa pagdalaw mo kahit hindi tayo nagkita sa mata. Ako naman talaga ang pakay mo kasi ako talaga ang nanalo sa Pawlimpics!

Sana magkita ulit tayo. . .