Tuesday, September 30, 2008

Ang Pista Sa Aming Nayon!



Eto si Manong.
Miyembro yan ng akyat-bahay gang.
Naku, hindi yung grupo ng magnanakaw ha!

Ang grupo ni Manong
ang siyang umaakyat sa mga bahay para isabit
ang mga bandiritas na palamuti sa pista.



Pista nitong linggo ni San Lorenzo Ruiz.
Aba katoliko naman itong si Lui
eh hindi naman niya alam ang pista!
Sa kabilang simbahan kasi siya sumasamba.
Sa simbahan ng Santo Rosario
na sa Oktubre naman ang pista.

Ewan ko ba naman kung bakit
sa subdivision na tinitirhan namin
at sa barangay mismo namin
ang dami-daming simbahan.
Eto't magtatayo na naman ng isa pa
na mas malapit sa bahay namin.
Marami ring paaralan (22!)
at sa barangay pa lang namin iyun!


Ayan, nakabit na nila Manong ang bandera!

Inabot sila ng buong araw para ikabit ito.
Sukat ba naman kinabukasan
dinaanan ng mga damuhong bus
na nagsundo ng mga bata
sa malapit na paaralan
para sa field trip nila
na siyang nahila ang ibang bandera.
Pagdating ng linggo,
kulang-kulang na ang bandera
na mistulang nabungi!

At iyan naman ang banda . . .

na ipinadala ng Punong Bayan
para magbigay ng tuwa.
Naku, eh kaingay-ingay naman!
Nagtaguan tuloy kami ng mga anak ko!
Mga bata ang tunay na nasisiyahan sa ganyan.
Tingnan naman ninyo ang mga batang ito
na galing pa sa bayan at dumayo lang
para sundan ang banda.
Tuwang-tuwa sila.



Mga bata lang talaga ang siyang nasisiyahan
sa mga bandera, banda at sa handaan
na siyang nakikita sa tuwing may pista.

Pero kami ni Lui
nanunuod lang kami.
Natutuwa kami sa mga bata.
hindi sa mga bandera at banda.
Hindi kasi ito mahalaga sa amin.
At hindi rin ito ang tunay na diwa ng pista
para sa amin.