Monday, May 4, 2009

Pacquiao Sunday!



Nakup, tinamaan ng kidlat!
Ano ba iyan?
Mistulang naglaho ang tao noong linggo, sinabayan ng hiyawan ng tanghali, at muling nabuhay. . . este, naglabasan ng kanilang lungga . . . este bahay, pagkatapos ng isang oras. Iyan ang oras ng Pacquiao. Pacman power ika nga.



O tingnan mo ang anak kong si Sweepy!
Mistulang nagising sa himbing ng malalim na tulog.
Mistulang nagimbal ang tahimik niyang mundo!
Naku, wala iyan, Sweepy.
Matulog ka na ulit.
May boxing lang sa TV.



Nakup! Eto pa ang isa!
Iyang si Bogart akala mo laging nawawala sa sarili.
Hoy, hindi nagugunaw ang mundo, Bogart!
May boxing lang sa TV!


Naku, hindi na kayo nasanay sa mga taong iyan.
Sa tuwing may laban si Pacquiao sa TV mistulang humihinto ang mundo! Pati magnanakaw nanonood! Santo, kriminal, bata, matanda, lahat nakatutuk sa TV! Mistulang hibang na nagmamatyag! At pagkatapos ng laban, sus, akala mo nanalo sa lotto sa inggay!

Kaya ayan, pati ang translator ko hindi na makasalin ng tahol ko! Hoy, Bogart, halika nga dito at isalin mo ito! Naku, iyang si Bogart naka-wrestling ko iyan, apat na taon ng nakaraan. Pilit ba namang maki-mate sa asawa kong si Pica na nanay nya. Aba, kapag may nag-me-mate na aso bawal ang makihalo no! Ayun, eh di inambagan ko di ba! Aba, inambagan din ako ng suwail na anak kong iyan! Aba, ang bigat at laki pala ng damuhong iyan. Napalaban ako ng husto. At iyan ang pinakamasakit: ang labanan mo ang mahal mo.

Halos isang oras din kami nagkagatan ni Bogart na sadyang nabaliw sina Lui at Luchie! Akala nila mamamatay na kami. Nagkalat kasi ang dugo sa paligid at walang kayang maki-awat sa amin. Takot namang tumulong ang kapitbahay kasi baka makagat daw namin sila! Naubos na ang tubig ng mga drum sa kakabuhos nila Luchie sa amin para lang tumigil kami pero wala rin. Tinawagan na ni Lui ang Vet namin. Ipa-put-to-sleep na lang daw kami. Aba bakit naman? sabi ni DrJ. Kasi mukhang baldado raw kami pagkatapos ng laban. Naku hindi, ani ni DrJ. Sugatan lang iyan pero gagaling din iyan. Emotional ka lang, sabi ni DrJ kay Lui. At tama si DrJ. Sa ikatlong araw halos hindi mo na makita ang sugat namin ni Bogart. Halos magaling na kami pagkatapos ng isang linggo.

Pero ang tutuong sugat. . . ang sugat at sakit ng laban na iyon ay mas malalim pa kesa sa sugat ng balat. Mas masakit at mahirap kalimutan ang galit na nabuo nuong araw na iyon. Kaya't mismo nuong araw na ring iyon hindi na kami pinagsasama ni Bogart. Pinagawan kami ni Luchie ng sarili naming bahay. Natatakot sina Lui na baka maulit ang madugong laban na iyon. Kaya't kapag nasa labas ako, nasa loob ng bahay naman niya si Bogart.

Madalas akong lapitan ni Bogart sa bahay ko. Madalas niya akong amuyin at halikan sa pagitan ng rehas ng bahay ko. Siguro para kay Bogart nakalimutan na niya ang laban na iyon. Ako, hindi pa. Minahal namin ang isa't isa ng apat na taon bago kami nag-away. At ngayon halos apat na taon na rin kaming hiwalay. Magkasama sa isang bahay pero hiwalay. Malungkot isipin pero sa tulad kong ama at hari sa pamilya ko, hindi ko maaaring makalimutan ang nangyaring iyon. Tama lang na matakot sina Lui na ipagsama ulit kami.

Gagaling ang sugat ni Hatton sa laban niya kay Pacquiao. Pero ang lalim ng poot at hinagpis ay hinding-hindi malilimutan. Alam ko ang pakiramdam na iyan kasi nanggaling ako diyan . . .


Mabuhay ka Manny!!!

At sana, sa darating na araw, makukuha ko rin ang tapang harapin ang sakit sa laban ko at tuluyan ng magpatawad. . . kasi kahit na galit ako, mahal ko ang anak kong damuhong iyan!